Tuesday, March 31, 2009

PANG-KABUHAYAN PARA SA ATING MAMAMAYAN


Minsan sa isang pagpupugay sa bandila ng Filipinas o “Flag Raising” Ceremony na ginanap sa ating barangay ay may isang “senior citizen” na kung saan ay naging kabahagi ng ating lipunan at ng ating ekonomiya na lumapit sa inyong abang lingkod at nag tanong...

“Ano po ba ang maitutulong ninyo sa aming may edad o Senior Citizen?” Nag-isip ako at tinugunan ko ang kanyang katanungan... “Ako po ay may hangarin na mag-imbita sa lahat ng ating mga senior citizen na nakatira sa nasasakupan sa ating barangay hinggil sa paggawa at matutunan ang mga makabagong paraan ng gawain pangkabuhayan sa bawa’t kabarangay ko na may edad o senior citizen, na kung saan ay naging kabahagi ng ating ekonomiya.”

Ang tugon sa kanyang katanungan ay pagsagawa ng agarang aksiyon ng inyong lingkod Kagawad Cesar O. Caisip sa pagpapatawag ng isang maiking pag-aaral or “seminar” hinggil sa paggawa ng mga sumusunod ; longganiza, tocino, crispy dilis, fish balls, squid balls at kikiam.

Isa si Mang Pedro ng San Lorenzo (ang senior citizen na nagtanong sa akin) sa napakaraming tumugon at dumalo sa naturang seminar at nakinabang sa dagdag kaalaman pangkabuhayan at ngayon ay kasalukuyang nagbebenta na siya sa kanilang subdivision ng tocino at longganiza.

Dahil dito, sa pagsusumikap ng inyong lingkod ay iminungkahi ko sa ating butihing Punong Barangay

Norvic D. Solidum na magkaroon ng isang livelihood training center ang ating barangay. Sa pagpapahalaga ng ating punong barangay at bilang pagtalima sa kautusan ng batas (section 16, Local Gov’t Code) ay naitayo ang Barangay San Vicente Livelihood Training Center na matatagpuan sa Adelina II-IIA, Brgy. San Vicente, SPL.

Sa kasalukuyan ay may mga kurso na tayong inihain sa ating mga kabarangay tulad ng mga sumusunod : Basic Computer, cosmetology, reflexology, hotel and restaurant services, soap making, candle making at food processing.

Mula ng maitayo ang BSVLTC ay humigit kumulang na apat (4) na libo na ang mga nagsipagtapos sa mga kursong nabanggit. Sa apat na libong nagsipagtapos dito ay 90% ang ating kabarangay at 10% naman ang galing sa ibang barangay at sa ibang kalapit na bayan tulad ng Binan, Sta. Rosa, Cavite, Muntinlupa, Las Pinas at Taguig. Nagpapasalamat naman tayo dahil marami sa mga nagsipagtapos dito ay may sarili nang negosyo, ang iba ay nasa ibang bansa at kanilang nagamit ang mga sertipiko ng pagtatapos para sa trabaho na kanilang pinasukan.

Kamakailan lamang , noong Nobyembre 15, 2008 nakapagpatapos tayo ng 20 trainees sa Food Processing, 43 sa Basic Computer, 41 sa Reflexology, 38 saHotel and Restaurant Services, 39 sa Candle Making, 21 sa Soap Making at 18 sa Cosmetology. Tuloy-tuloy po ang panawagan natin sa ating mga kabarangay na mag-aral dito upang kahit papaano ay makatulong tayo sa ating mamamayan na mai-angat ang kanilang kabuhayan.

Hindi lamang po ang paghubog ng kagalingan at kasanayan ng ating mga kabarangay ang ating pinagtutuunan ng pansin upang tayo ay makatulong na makabawas sa dinadanas na krisis ng ating bansa kungdi na rin hinahanapan din natin ng solusyon ang unemployment problem sa ating lugar kung kaya’t ang Barangay San Vicente ay nagpasa ng isang ordinansa na sa bawat huling sabado ng buwan ng Enero at Hulyo ng bawat taon ay magkakaroon ng JOB FAIR sa ating barangay. Ang ordinansang ito ay isinulong ni KONSEHAL ALLAN MARK V. VILLENA noong siya ay kagawad pa ng barangay at ipinagpatuloy po lamang ito ng inyong abang lingkod. Ito po ay ginaganap sa Congressman Nereo Joaquin Sports Complex sa Phase 2 Pacita Complex I, San Pedro, Laguna.

Nag-iimbita po tayo ng mga kumpanya at ahensiya ng ating pamahalaan katulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Social Security System (SSS) at Bureau of Internal Revenue (BIR) upang maging kaagapay ng proyekto. Noong nakaraang Job Fair , Enero 31, 2009 ay nakapagtala tayo ng 1,070 aplikante, 49 ang lumahok na kumpanya, 130 ang kumuha ng NBI clearance, 41 ang kumuha ng Police clearance, 160 ang kumuha ng T.I.N. (BIR), 138 ang kumuha ng SSS Number, 760 ang kumuha ng Community Tax Certificate at 46 ang kumuha ng Barangay clearance.

Ang pag-uulat na ito ay ilan lamang sa mga pangunahing proyekto ng ating barangay sa pangunguna ng inyong abang lingkod bilang tagapamuno ng komiteng ito. Mapalad tayo sapagkat ang ating Punong Barangay ay hindi nagsasawa sa pagsuporta sa mga proyektong katulad nito na malaki ang maitutulong hindi lamang sa ating mga kabarangay kundi na rin sa mamamayan ng ating bayan at karatig pook nito.

Hanggang sa muli pong pag-uulat.

“SERBISYONG TOTOO...PARA SA DIYOS AT PARA SA TAO”


CESAR O. CAISIP

Kagawad

No comments:

Post a Comment