SUSI NG KINABUKASAN... BOTO MO ANG KAILANGAN
Akda ni: LITO HIRANG
Akda ni: LITO HIRANG
Ang eleksiyon sa ating bansa ay kadalasan nakasalalay sa lawak ng impluwensiya at yaman ng magkakatunggaling partido at pamilya. Ang pinakamayayaman at maimpluwensiyang angkan ay magkakalaban sa mas matatas na posisyon sa pamahalaang nasyonal at probinsya. Ang mga angkan o mas maliit na pamilya ay naglalaban laban sa posisyong lokal. Sa barangay level ay mas tinitingnan ng mga botante ang taginting ng pangalan ng kandidato at serbisyong nagawa niya para sa komunidad. Maliit o malaki man na angkan o pamilya...masalapi man o mayaman sa kaibigan , ang isang kandidato na nais maupo sa posisyon sa kahit na anumang dahilan, pansarili man o para sa bayan, sila ay nabigbigyan ng pagkakataon na magsilbi dahil sa boto na magsisimula sa iyo. Tumataas ang populasyon ng mga botante (umaabot sa 80-85% ang bilang sa kabuuan) kapag ginagawa ang national election kumpara kung ito ay eleksiyon na pang lokal lamang. Sa mga suliranin na kaakibat ng pagsasagawa ng eleksiyon kabilang ang pagsusulat ng napakahabang listahan ng mga pangalan mula sa Presidente hanggang sa pangalan ng pinakamababang posisyon sa lokal, transportasyon ng mga botante papunta sa voting precincts at takot sa kanilang seguridad ang mga ito ay natatakpan ng kasabikan ng mga botante na maisulat nila ang kanilang mga napupusuan sa parang peryang tanawin isang taon bago pa lamang magsimula ang kampanyahan. Batuhan at siraan ng mga kanya-kanyang pangalan. Uungkitin ang mga motibo at hahanapan ng butas ang isang kandidato at kung walang maibatong putik ay hahanapan ng kapintasan ultimo kamag-anak , kasambahay at pati na rin siguro ang malapit na alalay. Makulay ang eleksiyon...maraming palamuti at banderitas at kabi-kabila ang patugtog ng campaign jingle na kahit sa iyong pagtulog ay parang uyayi na manunoot sa iyong memorya. Hanggang sa pagsulat sa balota ay tila nahipnotismo ka na ng mga stratehiya ng mga umaasam na maupo sa pwesto ng kapangyarihan. Ang isyu ng dayaan ay hindi mawawala na para bang kultura na sa ating bansa. Ang naka-abang na sistema na nais ipatupad ng COMELEC sa darating na eleksiyon na kung saan ay gagawin nang computerized ang pagboto ay magbibigay ng bagong mukha sa sistema ng pagboto. Ganunpaman ay hindi pa din maaalis ang takot sa sistema ng dayaan. Kung tayo ay maniniwala sa ganitong kultura ay hindi na talaga uusad ang ating bansa sa pagkalugmok sa maling sistema. Ano po ba ang ating maiaambag at maaaring magawa? Ipakita po natin ang ating lakas. Sa tantiya po ng COMELEC ay mayroon 4.5 Milyon na bagong botante at malaking porsiyento nito ay magmumula sa sektor ng mga out-of-school youth. Ang National Statistics Office po ay nakapagtala sa estadistika ng may 6 Milyon “disenfranchised first time voters” noong 2007 eleksiyon , 2 Milyon noong 2004 at 5 Milyon noong 2001. Ang bilang na ito ay mahalaga lalo na sa pagpili ng magiging bagong pangulo ng bansa. Naniniwala po ako na ang idelohiya ng mga kabataan ay hindi basta basta mababali at mabubulag sa maling sistema kung sila ay gagabayan ng maayos. Malaki ang ginagampanan papel ng makabagong teknolohiya sa pagpapakalat ng tamang impormasyon. Ang mga kabataan ngayon na mahilig sa internet ay maaaring maghikayat ng kanilang mga kaibigan at kapuwa kabataan na maging masipag sa pagpaparehistro upang makasama sila sa bilang ng mga botante na uugit ng bagong kasaysayan ng ating lahi. Maaari rin magsagawa ng isang web-site na kung saan nakasaad doon ang mga impormasyon, plataporma at kwalipikasyon ng bawat kandidato .Sa ganitong paraan ay malilimitahan na ang pagbabatuhan ng putik at mas lalong magkakaroon ng matalinong desisyon ang isang botante sa pagpili ng kanilang kandidato .Huwag na po natin hayaan na maulit pa ang mga nangyari noong mga nakaraang eleksyon na nabalewala ang mga nasayang na rehistro. Manalig po tayo sa bagong sistema. Makiisa po tayo sa panawagan ng ating barangay sa pangunguna ng ating Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM na makiisa tayo sa pagpaparehistro. Hinihikayat po natin ang mga walang paki-alam at tamad bumoto na sa pagkakataong ito ay maging kaisa sila sa hangarin natin na maging maayos at malinis ang darating na halalan. Nang sa ganun ay may karapatan silang makiaalam sa patakbo ng gobyerno at may karapatan silang maging kritiko dahil sila ay lehitimong rehistradong botante ng kanya-kanyang bayan at barangay. Magkakaroon po ng rehistrasyon sa ating barangay sa Marso 28, 2009 sa Pacita Complex I Sattelite Office. Ang lahat ay inaanyayahan na makiisa sa napakahalagang gawain na ito. Kung may katanungan tumawag lamang po sa linyang 868-8959, 847-0094 at 847-8469. Tandaan po ninyo na ang unang hakbang sa pagkakaroon ng maayos na pamamahala ay magssisimula sa inyong pagpaparehistro at paggamit ng inyong karapatan sa pagboto.
No comments:
Post a Comment