Tuesday, March 31, 2009

KALUSUGAN


INAALAGAAN KO ANG KALUSUGAN NG MGA KABARANGAY KO
Ulat ni Kagawad RESTITUTO P. HERNANDEZ Jr.,
Chairman: Committee on Health


Sa panahon ngayon ng krisis marapat lamang na unahin natin ang kalusugan ng bawat isa lalong lalo na ang mga kabarangay natin na halos hikahos sa buhay at ang ibibili nila ng gamot at iba pang bagay na may kinalaman sa pag-aalaga ng sarili ay ipantatawid na lamang ng kanilang mga sikmura. Ang responsibilidad at patakaran sa pagbibigay ng mga kinakailangan serbisyo sa kalusugan at medikal ay ipinasa na sa pamahalaang lokal pagkatapos na mapagtibay Kodigo ng Pamahalaang Lokal o ang Local Government Code of 1991.

Ang malasakit po ng inyong lingkod sa pangangalaga ng kalusugan ng ating mga kabarangay ang siyang nagbunsod sa akin upang ilunsad ang mga proyektong pangkalusugan bilang Committee Chairman ng Committee on Health. Ang suporta ng ating Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM at mga kasama kong Kagawad ang siyang naging daan upang maisakatuparan ko ang mga proyektong kapaki-pakinabang para sa ating mga kabarangay.

Mula noong nakaraang Hunyo 2008 ay nakapagtala po tayo ng 2,600 na asong nabakunahan na bahagi ng ating seryosong kampanya sa Anti-Rabies Protection para sa ating mga kabarangay. Isinusunod natin ang mga patakaran at alituntunin ng ating programa sa naipasang ordinansa ng Sangguniang Bayan ng San Pedro, Laguna.

Nitong nakaraang Pebrero 28, 2009 ay nagsagawa po tayo ng Medical Mission na kung saan ay nakapagserbisyo tayo ng medikal at dental sa isanlibo (1,000) kabarangay.

Ang pinakabagong proyekto na buong ipinagmamalaki ng ating barangay ay ang SAN VICENTE BIRTHING HOME na matatagpuan sa Chrysanthemum Village na kung saan nakatuon ang serbisyo nito sa ating mga inang nagdadalantao at manganganak na kulang sa pantustos sa kanilang gastusing medikal. Sa kanyang pasimulang operayon ang ating birthing

home ay bukas mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng gabi. Pinangangsiwaan ito ng mga nurses, midwife at doktor ng ating pamahalaang bayan. Regular ang pagbabakuna o immunization ng ating mga sanggol tuwing Miyerkules at Pre-Natal Check Up naman para sa ating mga ina tuwing Huwebes. Ang proyektong ito ay bunga ng pakikipagtulungan ng ating mga kaibigang NGO’s, ang KIWANIS CLUB LAGUNA GEMS at ROTARY CLUB OF SAN PEDRO SOUTH. Layunin po ng inyong lingkod at mga kasama sa serbisyo publiko sa pangunguna ni Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM na maging 24 oras ang serbisyo ng ating birthing home sa darating na panahon. Marami pa pong serbisyong pangkalusugan ang nais ihatid sa inyo ng inyong lingkod sa darating na panahon. Hangad ko po ang inyong pakikiisa sa aking mga proyekto. Suportahan po natin ang mabuting layunin ng ating Punong Barangay sapagkat kaming mga kasama niya ay may tunay na malasakit at nagmamahal sa inyong kalusugan.



No comments:

Post a Comment