KAPAG ALERTO SA KALIGTASAN, SUNOG AY MAIIWASAN Ni LITO HIRANG
Ang pagpasok ng buwan ng Marso ay itinalaga bilang Fire Prevention Awareness Month kung kaya’t ang bawa’t isa sa atin mga kabarangay ay dapat na maging maingat at maging alerto upang tayo ay mailayo sa sakuna ng sunog. May kasabihan nga na manakawan ka na ng may ikasampung beses huwag lamang na ikaw ay masunugan sapagkat lahat ng iyong naipundar ay mauuwi sa abo at ang pinakamasakit ay ang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa sakunang ito. Ang mga sumusunod ay listahan ng mga paraan at dapat gawin upang maiwasan ang sakunang ito ; Iwasan ang pag-oveload ng mga kasangkapang elektrikal. I-unplug o tanggalin sa outlet ang mga kasangkapang elektrikal pagkatapos na ito ay gamitin. Regular na tingnan ang mga kasangkapan elektrikal kung ito ay may sira na maaring pagmulan ng sunog. Tingnan mabuti at suriin kung may tagas ang gas stoves at mga LPG tanks. Ilayo ang mga bata sa mga likidong lumiliyab (flammable liquids), lighters at posporo. Iwasang manigarilyo habang nakahiga sa kama. Siguraduhing magkaroon ng sariling pre-fire plan ang inyong tahanan at opisina. Huwag pabayaan na maiwanan ang nakasinding katol. Laging maging maingat at maging safety conscious habang nagluluto. Huwag magtapon ng titis ng sigarilyo sa bunton ng mga tuyong dahon at basurahan. Sundin ang ipinatutupad sa mga lugar na may no smoking signs. Panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng iyong lugar upang maalis ang mga bagay o dahilan na pagmumulan ng sunog. Palagian I- check ang mga kagamitan sa pagsugpo ng sunog upang masigurado ang bisa o gamit nito kapag kinailangan na. Maging alerto at fire safety conscious upang maiwasan ang sakunang ito. Mahal namin ang inyong buhay kung kaya’t pagsumikapan natin maiwas sa anumang sakunang dulot ng kapabayaan.
Sa mga pagkakataon na may sakuna ang ating mga ka-barangay ay maaring tumawag sa mga emergency hotline sa ibaba:
EBOLUSYON NG WIKANG FILIPINO Akda ni: MICHAEL FONTANILLA CONTRERAS (Lathala mula sa "The LANCE", August 2005)
Bawat bansa ay may kaniya-kaniyang pagkakakilanlan. Maaring ito ay sa porma ng watawat, sa himig ng pambansang awit, o sa wikang sinasalita. Tulad din ng ibang bansang malaya, ang Pilipinas ay may sarili ding wika. Ngunit saan nga ba nagsimula ang wikang Filipino? Kusa lamang ba itong sumibol? Ito ba ay isang wikang hiram? O ito ba ay pinagsama-samang mga salita mula sa iba’t-ibang kultura? May siyam na pamilya ng wika sa buong daigdig at kinabibilangan ito ng humigit-kumulang 3,000 pangunahing wika. Isa sa siyam na ito ay kinabibilangan ng wika sa Pilipinas. Ang ating wika ay nasasaklawan ng pamilyang Austronesian o Malayo-Polynesian na kinabibilangan ng mga kawikaan sa Timog Silangang Asya gaya ng Indonesia at Malaysia. Sawaiori at Jahori, Mela-nesia, at Malay ay ang tatlong subpamilyang nasa ilalim ng pamilyang Malayo-Polynesian. Sa mga sub-pamilyang ito, ang ating wika ay napapaloob sa Malay bilang sangay na Tagala. Itinuturing pangunahing wikang katutubo ang Tagalog, Ilocano, Pangasinan, Kapam-pangan, Bicol, Waray o Samar-Leyte, Cebuano, Hiligaynon o Ilongo, Maranaw, Tausug, at Maguindanao, batay sa dami ng populasyon o porsyento ng mga tao na gumagamit, nagasalita, nagsusulat, at nakakaunawa rito. Halos lahat ng mga wikang ito ay may kanya-kanyang dayalekto, gaya ng Tagalog (Tagalog-Rizal, Tagalog-Bulacan, Tagalog-Batangas, Tagalog-Marinduque, Tagalog-Cavite, at iba pa. Gauyundin sa Cebuano, na kung saan ay may Cebuano-Cebu, Cebuano-Bohol, Cebuano-Surigao, at iba pa. Ang Hiligaynon naman ay mayroong Aklanon, Kiniray-a, Cuyunon, Palaweño, Ilongo, at iba pa. Ang Bicol ay mayroong Naga, Legaspi, Bato, Buhi, Catanduanes, Sorsogon, Masbateño, at iba pa. Samantala ang Ilocano naman ay may Ilocos, Abra, Cagayan, Samtoy, Ibanag, Bulubundukin, at iba pa.
Ang alif-ba-ta at abecedario
Bago pa dumating ang mga banyaga dito sa Pilipinas tulad ng mga Kastila, ang mga katutubong Pilipino ay may sarili ng alpabeto at sistema ng pagbabaybay na mas kilala sa tawag na “alibata” o alif-ba-ta sa Arabo. Ang matandang alpabeto ng mga katutubo ay syllabic at binubuo ng tatlong patinig (vowels) at labing-apat na katinig (consonants). Ang patinig ay mayroong a, e, at i, samantalang ang o at u naman ay may iisa lamang tunog na lubhang nakalilito. Bawat isa sa mga katinig ay binabasa na may kasama na patinig a, kapag ito ay walang marka sa itaas o sa ibaba na mas kilala sa tawag na “kudlit,” o isang uri ng marka na ginagamit sa mga matatandang sistema ng pagsusulat. Kapag ito naman ay may kudlit sa ibaba, ang patinig a, ay napapalitan ng patinig o o di kaya ay u. Ngunit kung ang kudlit naman ay nasa itaas, ang patinig ay nagiging e o i. Nang sinakop ng mga Kastilang mananakop ang Pilipinas, pilit na binago ng mga ito ang kulturang pangkatutubo ng mga sinaunang Pilipino. Binura ng mga Espanyol ang mga paganong pag-uugali ng mga katutubo, kabilang na ang pag-iiba sa sistema ng pag-susulat, pagbasa at mga salita ng mga ito. Ipinakilala ng mga Kastila ang kanilang sariling bersyon ng alibata, ang abecedario o ang alpabetong Espanyol. Nang dumating naman ang mga Amerikano sa Pilipinas, ipinatupad ang patakarang alinsunod sa ilang patakarang ipinatupad ng mga mananakop na Kastila. Ang mga ito ay ang pagyakap sa Kristyanismo at ang pagiging sibilisado ng mga pamayanan. Ipinalaganap ng mga Amerikano ang pam-publikong sistema ng edukasyon. Ginamit ang wikang Ingles bilang pangunahing instrumento sa pagtuturo kaya ang Hispanisasyon ng mga Kastila ay napalitan ng Amerikanisasyon. Ang Surian ng Wikang Pambansa
Nang manungkulan si Manuel L. Quezon bilang Pangulo ng Komonwelt at si Sergio Osmeña bilang pangalawang Pangulo, binig-yan pansin ang isyung “nasyonalismo.” Naniniwala ang mga liderato ng bansa noon na dapat magkaroon ng isang pangkalahatang pambansang wika na siyang mahalaga sa pagtataguyod ng pangkabuuang unawaan at pagkikintal ng pambansang pagmamalaki ng sambayanan.
SUSI NG KINABUKASAN... BOTO MO ANG KAILANGAN Akda ni: LITO HIRANG
Ang eleksiyon sa ating bansa ay kadalasan nakasalalay sa lawak ng impluwensiya at yaman ng magkakatunggaling partido at pamilya. Ang pinakamayayaman at maimpluwensiyang angkan ay magkakalaban sa mas matatas na posisyon sa pamahalaang nasyonal at probinsya. Ang mga angkan o mas maliit na pamilya ay naglalaban laban sa posisyong lokal. Sa barangay level ay mas tinitingnan ng mga botante ang taginting ng pangalan ng kandidato at serbisyong nagawa niya para sa komunidad. Maliit o malaki man na angkan o pamilya...masalapi man o mayaman sa kaibigan , ang isang kandidato na nais maupo sa posisyon sa kahit na anumang dahilan, pansarili man o para sa bayan, sila ay nabigbigyan ng pagkakataon na magsilbi dahil sa boto na magsisimula sa iyo. Tumataas ang populasyon ng mga botante (umaabot sa 80-85% ang bilang sa kabuuan) kapag ginagawa ang national election kumpara kung ito ay eleksiyon na pang lokal lamang. Sa mga suliranin na kaakibat ng pagsasagawa ng eleksiyon kabilang ang pagsusulat ng napakahabang listahan ng mga pangalan mula sa Presidente hanggang sa pangalan ng pinakamababang posisyon sa lokal, transportasyon ng mga botante papunta sa voting precincts at takot sa kanilang seguridad ang mga ito ay natatakpan ng kasabikan ng mga botante na maisulat nila ang kanilang mga napupusuan sa parang peryang tanawin isang taon bago pa lamang magsimula ang kampanyahan. Batuhan at siraan ng mga kanya-kanyang pangalan. Uungkitin ang mga motibo at hahanapan ng butas ang isang kandidato at kung walang maibatong putik ay hahanapan ng kapintasan ultimo kamag-anak , kasambahay at pati na rin siguro ang malapit na alalay. Makulay ang eleksiyon...maraming palamuti at banderitas at kabi-kabila ang patugtog ng campaign jingle na kahit sa iyong pagtulog ay parang uyayi na manunoot sa iyong memorya. Hanggang sa pagsulat sa balota ay tila nahipnotismo ka na ng mga stratehiya ng mga umaasam na maupo sa pwesto ng kapangyarihan. Ang isyu ng dayaan ay hindi mawawala na para bang kultura na sa ating bansa. Ang naka-abang na sistema na nais ipatupad ng COMELEC sa darating na eleksiyon na kung saan ay gagawin nang computerized ang pagboto ay magbibigay ng bagong mukha sa sistema ng pagboto. Ganunpaman ay hindi pa din maaalis ang takot sa sistema ng dayaan. Kung tayo ay maniniwala sa ganitong kultura ay hindi na talaga uusad ang ating bansa sa pagkalugmok sa maling sistema. Ano po ba ang ating maiaambag at maaaring magawa? Ipakita po natin ang ating lakas. Sa tantiya po ng COMELEC ay mayroon 4.5 Milyon na bagong botante at malaking porsiyento nito ay magmumula sa sektor ng mga out-of-school youth. Ang National Statistics Office po ay nakapagtala sa estadistika ng may 6 Milyon “disenfranchised first time voters” noong 2007 eleksiyon , 2 Milyon noong 2004 at 5 Milyon noong 2001. Ang bilang na ito ay mahalaga lalo na sa pagpili ng magiging bagong pangulo ng bansa. Naniniwala po ako na ang idelohiya ng mga kabataan ay hindi basta basta mababali at mabubulag sa maling sistema kung sila ay gagabayan ng maayos. Malaki ang ginagampanan papel ng makabagong teknolohiya sa pagpapakalat ng tamang impormasyon. Ang mga kabataan ngayon na mahilig sa internet ay maaaring maghikayat ng kanilang mga kaibigan at kapuwa kabataan na maging masipag sa pagpaparehistro upang makasama sila sa bilang ng mga botante na uugit ng bagong kasaysayan ng ating lahi. Maaari rin magsagawa ng isang web-site na kung saan nakasaad doon ang mga impormasyon, plataporma at kwalipikasyon ng bawat kandidato .Sa ganitong paraan ay malilimitahan na ang pagbabatuhan ng putik at mas lalong magkakaroon ng matalinong desisyon ang isang botante sa pagpili ng kanilang kandidato .Huwag na po natin hayaan na maulit pa ang mga nangyari noong mga nakaraang eleksyon na nabalewala ang mga nasayang na rehistro. Manalig po tayo sa bagong sistema. Makiisa po tayo sa panawagan ng ating barangay sa pangunguna ng ating Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM na makiisa tayo sa pagpaparehistro. Hinihikayat po natin ang mga walang paki-alam at tamad bumoto na sa pagkakataong ito ay maging kaisa sila sa hangarin natin na maging maayos at malinis ang darating na halalan. Nang sa ganun ay may karapatan silang makiaalam sa patakbo ng gobyerno at may karapatan silang maging kritiko dahil sila ay lehitimong rehistradong botante ng kanya-kanyang bayan at barangay. Magkakaroon po ng rehistrasyon sa ating barangay sa Marso 28, 2009 sa Pacita Complex I Sattelite Office. Ang lahat ay inaanyayahan na makiisa sa napakahalagang gawain na ito. Kung may katanungan tumawag lamang po sa linyang 868-8959, 847-0094 at 847-8469. Tandaan po ninyo na ang unang hakbang sa pagkakaroon ng maayos na pamamahala ay magssisimula sa inyong pagpaparehistro at paggamit ng inyong karapatan sa pagboto.
HOMEOWNER'S ASSOCIATION... KATUWANG SA KALINISAN NG ATING KAPALIGIRAN Ulat ni Kagawad LOLITO R. MARQUEZ Chairman: Committe on Environment
Isang hamon sa aming mga opisyal ng barangay ang mapanatili hindi lamang ang kaayusan ng ating barangay kundi na rin pati ang mapanatili ang kalinisan nito. Bilang Kagawad ng Barangay at Chairman ng Committee on Environment ang hamon na ito ay seryosong pinagtutuunan ko ng pansin sapagkat ang pagpapanatili sa kalinisan ng ating kapaligiran ay larawan din o salamin kung paaano tayo mamuhay sa kaniya-kaniyang pamamahay. Alam natin na ang ating barangay ay isang maunlad na pamayanan. Maraming naninirahan at masigla ang kalakalan. Marami nang batas ang nai-akda at naipasa ang ating mga mambabatas hinggil sa kalinisan at pag-aalaga ng ating kapaligiran. It is everybody’s concern at ang lahat ay dapat na magkatuwang sa pagresolba ng mga problemang may kinalaman sa ating kapaligiran. Mapalad po ang ating barangay sapagkat may katuwang tayo sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng ating lugar. Ang paghihiwalay ng mga bulok at hindi nabubulok na basura at paraan ng pagtatabi at pagtatapon nito ay palagian nating ipinaaalala sa ating mga kabarangay. Ang pamamahala sa waste management ay ipinagkatiwala natin sa ating mga kasama na may malasakit sa ating kapaligiran. Isa ang PACITA COMPLEX HOMEOWNER’S ASSOCIATION INC. Ay isang halimbawa sa ganitong sistema. Sila ang katuwang natin sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga lugar na sakop ng Pacita. Sa pakikipagtulungan sa PCHAI at sa mabusising pag-aaral sa epektibong sistema upang malunasan ang problema sa kalinisan ay ipinagbawal na po ng barangay ang mga lumilibot na “ mangangalakal” na may hilang kariton at bumibili ng mga junk items sa ating mga kabahayan. Dahil sa ang PCHAI ang may control ay limitado at rehistrado sa kanilang talaan ang mga pinapayagan sa ganitong hanapbuhay. May ID na pagkakakilanlan ang mga ito at unipormado ang kanilang suot na T-shirt upang malaman kung sino ang mga junk traders na mga ito kapag umikot sila sa ating mga lugar. Kung minsan kasi ay nagagamit ang ganitong hanapbuhay para makapagtiktik ang mga salisi at magnanakaw upang makagawa ng krimen sa ating mga bakuran. Hindi lamang naisaayos ang sistema ng ganitong pangangalakal kungdi naiiwas pa tayo sa mga tao masasama ang hangarin at front lang ang pagiging mangangalakal upang makagawa ng pagananakaw sa ating bakuran. Kinikilala po ng ating pamunuan sa barangay sa pangunguna ni Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM ang mabuting ambag ng ating mga kaibigan (Homeowner’s Assn.) sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan at kalinisan sa ating lugar. Pinapanatili po ang mabuting ugnayan ng dalawang ahensiya upang sa nagkakaisang bigkis na pagkilos para sa kagandahan ng ating lugar ay ating makamit. Sa bawat kaayusan at kalinisan ng ating pamayanan ang magkatuwang na may malasakit sa ating barangay ang siyang nangunguna upang turuan ang ating mga kabarangay sa pagpapahalaga sa disiplina ng pagtatapon ng basura.
INAALAGAAN KO ANG KALUSUGAN NG MGA KABARANGAY KO Ulat ni Kagawad RESTITUTO P. HERNANDEZ Jr., Chairman: Committee on Health
Sa panahon ngayon ng krisis marapat lamang na unahin natin ang kalusugan ng bawat isa lalong lalo na ang mga kabarangay natin na halos hikahos sa buhay at ang ibibili nila ng gamot at iba pang bagay na may kinalaman sa pag-aalaga ng sarili ay ipantatawid na lamang ng kanilang mga sikmura. Ang responsibilidad at patakaran sa pagbibigay ng mga kinakailangan serbisyo sa kalusugan at medikal ay ipinasa na sa pamahalaang lokal pagkatapos na mapagtibay Kodigo ng Pamahalaang Lokal o ang Local Government Code of 1991.
Ang malasakit po ng inyong lingkod sa pangangalaga ng kalusugan ng ating mga kabarangay ang siyang nagbunsod sa akin upang ilunsad ang mga proyektong pangkalusugan bilang Committee Chairman ng Committee on Health. Ang suporta ng ating Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM at mga kasama kong Kagawad ang siyang naging daan upang maisakatuparan ko ang mga proyektong kapaki-pakinabang para sa ating mga kabarangay.
Mula noong nakaraang Hunyo 2008 ay nakapagtala po tayo ng 2,600 na asong nabakunahan na bahagi ng ating seryosong kampanya sa Anti-Rabies Protection para sa ating mga kabarangay. Isinusunod natin ang mga patakaran at alituntunin ng ating programa sa naipasang ordinansa ng Sangguniang Bayan ng San Pedro, Laguna.
Nitong nakaraang Pebrero 28, 2009 ay nagsagawa po tayo ng Medical Mission na kung saan ay nakapagserbisyo tayo ng medikal at dental sa isanlibo (1,000) kabarangay.
Ang pinakabagong proyekto na buong ipinagmamalaki ng ating barangay ay ang SAN VICENTE BIRTHING HOME na matatagpuan sa Chrysanthemum Village na kung saan nakatuon ang serbisyo nito sa ating mga inang nagdadalantao at manganganak na kulang sa pantustos sa kanilang gastusing medikal. Sa kanyang pasimulang operayon ang ating birthing
home ay bukas mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng gabi. Pinangangsiwaan ito ng mga nurses, midwife at doktor ng ating pamahalaang bayan. Regular ang pagbabakuna o immunization ng ating mga sanggol tuwing Miyerkules at Pre-Natal Check Up naman para sa ating mga ina tuwing Huwebes. Ang proyektong ito ay bunga ng pakikipagtulungan ng ating mga kaibigang NGO’s, ang KIWANIS CLUB LAGUNA GEMS at ROTARY CLUB OF SAN PEDRO SOUTH. Layunin po ng inyong lingkod at mga kasama sa serbisyo publiko sa pangunguna ni Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM na maging 24 oras ang serbisyo ng ating birthing home sa darating na panahon. Marami pa pong serbisyong pangkalusugan ang nais ihatid sa inyo ng inyong lingkod sa darating na panahon. Hangad ko po ang inyong pakikiisa sa aking mga proyekto. Suportahan po natin ang mabuting layunin ng ating Punong Barangay sapagkat kaming mga kasama niya ay may tunay na malasakit at nagmamahal sa inyong kalusugan.
Ulat ni Kagawad KIM ARELLANO - Chairman, Committee on Infrastructure
Dahil sa magandang relasyon ng pamahalaang barangay sa pamumuno ni Brgy. Chairman Norvic D. Solidum sa mga nakakataas na halal na opisyal ng ating lalawigan kung kaya’t buhos ang ilang mahahalagang proyekto nila Gov. Teresita “Ningning” Lazaro” at Cong. Dan S. Fernandez sa ating barangay. Ang pagpapagawa ng Pacita I Convention Center at Covered Court sa Greatland Subd. San Lorenzo Barangay Sattelite Office at pagpapa-aspalto ng Milflores St. ng Elvinda Village ay mula sa ating butihing Ina ng lalawigan , Gov. Teresita “Ningning” Lazaro. Ang pagpapagawa at pagpapakonkreto naman ng mga kalsadang Balagtas, Juan Luna at Amorsolo ng Chrysanthemum Village at ganun din sa Main Road ng Phase 1, Villa Olympia ay nagmula naman sa ating masipag na kinatawan ng Unang Distrito , Congressman Dan S. Fernandez. Ang party list na BAYAN MUNA ay nag-ambag din ng proyekto sa pamamagitan ng pagpapa-aspalto ng Crismor Avenue. Nakikita marahil ng ating mga mahal na namumuno na maganda ang daang tinatahak ng ating Barangay sa pangunguna ni Brgy. Chairman Norvic Solidum kung kaya’t hindi nila ipinagkakait ang mga proyektong ito sa ating barangay. Pamilyar na bukambibig mula sa mga tumutulong na magkaroon ng realisasyon ang mga proyektong ito ang mga katagang... “ Umpisahan mo at tatapusin ko” ngunit ang mga proyektong inumpisahan ng pamunuan ng Brgy. San Vicente ay tuloy-tuloy at walang katapusan sa pagbibigay ng serbisyo ang mga lingkod bayan na pinagkatiwalaan natin ng ating mga boto. Patuloy na nag-iisip ng mga kapakipakinabang na proyekto ang ating butihing Kapitan at kanyang mga kasama at ito ay hindi nagtatapos lamang sa mga blueprint at plano. Kongkreto at solido ang mga proyektong pinakikinabangan ng ating mga kabarangay ngayon.Marami na pong proyektong imprastrakturang nagawa ang ating barangay sa pangunguna ni Chairman Norvic Solidum at pinakabago na ang mga sumusunod na proyekto : Rehabilitasyon at pagpapailaw ng mga Basketball Court sa iba’t ibang lugar ng ating barangay, paglilinis at pag-aayos ng mga drainage system sa Villa Olympia, Pacita Complex, Mercedes 5 at Laguerta. Pagpapasemento ng mga daanan sa Pitong Gatang, San Vicente proper at Sitio Bayan-bayanan. Paglalagay ng deep well at pagpapaayos ng mga artesian well sa ating mga kabarangay sa Sitio Maligaya 1. Pagpapaayos ng mga mahahalagang gusali at iprastraktura na naging instrumento sa pagbibigay serbisyo sa ating mga kabarangay tulad ng Barangay Health Center sa Chrysanthemum Village, Pacita 1, Satellite Office at San Lorenzo Satellite Office. Kasama na din dito ang pagpapaganda at pagpapapintura tennis court sa Elvinda Village at San Vicente Proper Day Care Center. Iilan lamang ito sa mahabang listahan ng mga proyekto para sa kabutihan at kagalingan ng ating barangay kung kaya’t ito ay nagiging modelong barangay na hinahangaan ng karamihan. Katunayan dito ang mga citation at awards na tinatanggap ng pamunuan ng barangay sa mga NGO’s at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Gaano man karami ang mga pagkilala at papuri ang tanggapin ng ating barangay ay hindi mahihigitan ang matamis na karangalan ibinigay ng ating mamayan. Ito ang karangalan ng pagbibigay ng buong pusong tiwala sa liderato ng ating mahal na Punong Barangay Norvic D. Solidum at pagbabalik ng serbisyo para sa tao. The first step to Kap. Solidum’s leadership is servanthood. Ang lakas ng liderato ni Kapitan Solidum sa ating pamayanan ay nagmumula sa pagisisilbi sa kapuwa at ito ay sumisibol sa ating pakikiisa sa kanyang mga planong akayin tayo sa daan patungo sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng ating ipinagmamalaking barangay San Vicente. Sama-sama tayo sa daan tungo sa magandang bukas…samahan natin si Kap. Solidum sa kanyang magandang mithiin para sa ating barangay, ang kanyang tagumpay bilang isang leader ay tagumpay din ng bawa’t isa sa atin , maliit man o malaki ang ginagampanan natin sa lipunan. Sapagkat ang mga papuri at pagkilala sa kanyang liderato ay salamin lamang at simbolo kung paanong nagkakaisa tayo para mapagtagumpayan ang isang proyekto.
Ulat nina: LEODIGARIO PILIPIÑA - Chairman, Committee on Peace & Order at DANILO C. BERCILES -Technical Assistant for Peace & Order and Public Safety
Ang pag-unlad at pag-angat ng isang lugar ay palaging nakasalalay sa Katahimikan at Kaayusan na umiiral sa nasabing lugar.” Ang Barangay San Vicente na itinuturing na isa sa pinakamalaking Barangay sa buong lalawigan ng Laguna ay mayroong programang ipinasa sa pamamagitan ng “BARANGAY PEACE AND ORDER COUNCIL”na ipinapatupad sa kasalukuyan, upang mapa-igting ang kampanya para mapanatili ang Katahimikan at Kaayusan (Peace & Order) sa kanyang nasasakupan. Sa kasalukuyan, merong siyam (9) na “Satellite Office”ang Barangay San Vicente, na ang layon ay mailapit sa mamamayan ang serbisyo ng Pamahalaan, tulad ng pagbibigay ng Barangay Clearances, Cedula, pag-aayos ng gusot at di-pagkakaunawaan ng magkakapitbahay, atbp. Ang responsibilidad at obligasyon ng Barangay na ginagampanan ng ating mga Barangay Tanod, ayon sa ating Saligang Batas ay sumasakop lamang sa Kaayusan at Katahimikan (Peace & Order) at ang Seguridad (Security) naman ay sakop ng Kapulisan (PNP), sa pagsugpo ng kriminalidad, katulad ng mga kaso ng Ärmed Robberies”at iba pa, kung kaya’t sila (Pulis) ay binigyan ng angkop at kumpletong kasanayan at sandata para maitaguyod ang kanilang trabaho. Sa kasalukuyang panahon at dahil sa kakaunting bilang ng ating Kapulisan upang tuwirang mapangalagaan ang seguridad ng humigit kumulang sa 300,000 mamamayan ng Bayan ng San Pedro, marami sa ating mamamayan ang umaasa sa ating Pamahalaang Barangay pati na sa problemang pang Seguridad, bagkus sila ay naniniwala pa rin na ang usaping ito ay sakop pa ng Barangay. Bagama’t ang seguridad ay hindi sakop ng Barangay, ito ay pilit na ginagampanan ng ating mga Barangay Tanod ayon sa adhikaing pina-iiral ng ating Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM na ang “Security is Everybody’s Concern”, kung kaya’t kasama dito ang proyektong “Report A Crime”, kung saan ipinamimigay sa lahat ng sector tulad ng Tricycle, Sari-Sari Stores at mga kabahayan ang “Stickers”na nagsasaad ng “Hotline”ng Barangay San Vicente, San Pedro Police, San Pedro Fire Station at DILG 117, kung saan maaaring makipag-ugnayan o mag-ulat ukol sa mga bagay pang-seguridad. Matagumpay na naipasa ng ating Sangguniang-Barangay na inayunan naman ng Sangguniang Bayan ang Kautusang Pambarangay (Barangay Ordinance) Blg. 03-07, na tahasan at mahigpit na nagpapatupad ng regulasyon ng operasyon ng lahat ng “Computer Shops”at “Internet Cafe’s”sa lahat ng lugar na nasasakupan ng Barangay San Vicente, upang mapangalagaan ang kinabukasan ng ating mga kabataan lalo’t mga estudyante. Kasama sa mga programang kasakuyang pina-iiral ng ating Barangay ukol sa Katahimikan at Kaayusan, pati na rin ang Pang-seguridad ay ang mga sumusunod : Paglikha at pagtatalaga ng mga “Barangay Mobile Reaction Teams”para sa apat (4) na itinalagang Cluster Areas”sa buong nasasakupan ng Barangay San Vicente, kung para sa mabilisang pag-responde sa anumang tawag saklolo. Ang palagiang pag-iikot o “Visibility”n gating “Mobile Patrol”para magtaboy o bumugaw, bagkus magsilbing panakot o “Deterrent”sa mga masasamang loob upang gumawa ng anumang karahasan o krimen sa ating lugar ; Team Alpha (A)- para sa nasasakupan ng Pacita Complex I at San Vicente Ville; Team Bravo (B)- para sa nasasakupan ng Pacita 2 Phase 1 at Phase 2, Pacita 2-A, 2-B at 2-C, Mercedes-5, Villa Castillo, Sto. Niño, Console I at XII, Elvinda, Olivarez, Greatland at Guevarra Villages/Subdivisions; Team Charlie (C)- para sa nasasakupan ng Chrysanthemum, Rosario Complex, Villa Olympia Phase 1,4 at 6, Stone Crest, Harmony Homes at Adelina II/II-A; Team Delta (D)- para sa nasasakupan ng San Vicente Proper, St. Joseph, Console III at Villa Milagrosa Subdivisions. Paglikha ng “Barangay Traffic Management Team” upang makapag-bigay suporta at tumulong para sa kaayusan ng trapiko sa nasasakupan ng Barangay San Vicente; Pina-igting ang pagsuporta sa mga “Peace and Order Programs”ng mga “Homeowner’s”at mga “Neighbourhood Associations”sa pamamagitan ng pag “Deputized” o pag-hirang ng kanilang mga “Security Force”bilang mga Volunteer Barangay Tanods upang mabigyan sila ng kaukulang kapangyarihan para mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa kani-kanilang mga komunidad; Pagtatalaga ng mga “Security Outposts”sa iba’t-ibang lugar ng Barangay San Vicente, upang mapa-igting ang kampanya laban sa kriminalidad, ang mga “Security Outposts”na ito ay nagsisilbing “Choke-Points”habang mayroong nai-ulat na kriminalidad ka kani-kanilang mga komunidad; Ang kasalukuyang “Peace and Order Program” ay ipinatupad noong Hulyo 20, 2008 at sa humigi’t kumulang limang (5) buwan hanggang Disyembre 20, 2008 ang kriminalidad sa nasasakupan ng Barangay San Vicente ay bumaba ng mahigit sa 80%, lalo’t sa mga kaso ng “Snatching”na ang gamit ay motorsiklo. At sa hindi inaasahang pangyayari, noong buwan ng Enero 2009, biglang tumaas ang kriminalidad, lalo’t sa kaso ng “Hold-Ups o Armed Robberies”gamit ang motorsiklo, na naiulat na nangyari na may labing-tatlo (13) beses at sa unang linggo naman ng buwan ng Pebrero 2009, halos araw-araw ay meron kasong “Hold-Up”. Nagkaroon din ng insidente na ang ating Barangay Tanod ay natutukan ng baril ng mga Kriminal at walang nagawa ang ating Barangay Tanod dahil ang kanilang armas ay pito at batuta lamang. Ang mga pangyayaring ito ay naipaabot na natin sa mga kinauukulan upang magawan nila ng kaukulang aksiyon lalo’t ang mga kasong ito ay tungkuling pang-seguridad. Ang Barangay San Vicente sa pamumuno ni Punong Barangay NORVIC D. SOLIDUM, sampu ng mga Kagawad at mga kawani ay tahasang naniniwala na ang daan tungo sa kaunlaran ay sa pamamagitan ng Katahimikan at Kaayusan (Peace & Order) pati na ang Seguridad ( Security) ay matagumpay lamang nating makakamit sa pamamagitan ng tahasang kooperasyon, suporta at pakikiisa ng mga mamamayan ng ating Barangay.
Minsan sa isang pagpupugay sa bandila ng Filipinas o “Flag Raising” Ceremony na ginanap sa ating barangay ay may isang “senior citizen” na kung saan ay naging kabahagi ng ating lipunan at ng ating ekonomiya na lumapit sa inyong abang lingkod at nag tanong...
“Ano po ba ang maitutulong ninyo sa aming may edad o Senior Citizen?” Nag-isip ako at tinugunan ko ang kanyang katanungan... “Ako po ay may hangarin na mag-imbita sa lahat ng ating mga senior citizen na nakatira sa nasasakupan sa ating barangay hinggil sa paggawa at matutunan ang mga makabagong paraan ng gawain pangkabuhayan sa bawa’t kabarangay ko na may edad o senior citizen, na kung saan ay naging kabahagi ng ating ekonomiya.”
Ang tugon sa kanyang katanungan ay pagsagawa ng agarang aksiyon ng inyong lingkod Kagawad Cesar O. Caisip sa pagpapatawag ng isang maiking pag-aaral or “seminar” hinggil sa paggawa ng mga sumusunod ; longganiza, tocino, crispy dilis, fish balls, squid balls at kikiam.
Isa si Mang Pedro ng San Lorenzo (ang senior citizen na nagtanong sa akin) sa napakaraming tumugon at dumalo sa naturang seminar at nakinabang sa dagdag kaalaman pangkabuhayan at ngayon ay kasalukuyang nagbebenta na siya sa kanilang subdivision ng tocino at longganiza.
Dahil dito, sa pagsusumikap ng inyong lingkod ay iminungkahi ko sa ating butihing Punong Barangay
Norvic D. Solidum na magkaroon ng isang livelihood training center ang ating barangay. Sa pagpapahalaga ng ating punong barangay at bilang pagtalima sa kautusan ng batas (section 16, Local Gov’t Code) ay naitayo ang Barangay San Vicente Livelihood Training Center na matatagpuan sa Adelina II-IIA, Brgy. San Vicente, SPL.
Sa kasalukuyan ay may mga kurso na tayong inihain sa ating mga kabarangay tulad ng mga sumusunod : Basic Computer, cosmetology, reflexology, hotel and restaurant services, soap making, candle making at food processing.
Mula ng maitayo ang BSVLTC ay humigit kumulang na apat (4) na libo na ang mga nagsipagtapos sa mga kursong nabanggit. Sa apat na libong nagsipagtapos dito ay 90% ang ating kabarangay at 10% naman ang galing sa ibang barangay at sa ibang kalapit na bayan tulad ng Binan, Sta. Rosa, Cavite, Muntinlupa, Las Pinas at Taguig. Nagpapasalamat naman tayo dahil marami sa mga nagsipagtapos dito ay may sarili nang negosyo, ang iba ay nasa ibang bansa at kanilang nagamit ang mga sertipiko ng pagtatapos para sa trabaho na kanilang pinasukan.
Kamakailan lamang , noong Nobyembre 15, 2008 nakapagpatapos tayo ng 20 trainees sa Food Processing, 43 sa Basic Computer, 41 sa Reflexology, 38 saHotel and Restaurant Services, 39 sa Candle Making, 21 sa Soap Making at 18 sa Cosmetology. Tuloy-tuloy po ang panawagan natin sa ating mga kabarangay na mag-aral dito upang kahit papaano ay makatulong tayo sa ating mamamayan na mai-angat ang kanilang kabuhayan.
Hindi lamang po ang paghubog ng kagalingan at kasanayan ng ating mga kabarangay ang ating pinagtutuunan ng pansin upang tayo ay makatulong na makabawas sa dinadanas na krisis ng ating bansa kungdi na rin hinahanapan din natin ng solusyon ang unemployment problem sa ating lugar kung kaya’t ang Barangay San Vicente ay nagpasa ng isang ordinansa na sa bawat huling sabado ng buwan ng Enero at Hulyo ng bawat taon ay magkakaroon ng JOB FAIR sa ating barangay. Ang ordinansang ito ay isinulong ni KONSEHAL ALLAN MARK V. VILLENA noong siya ay kagawad pa ng barangay at ipinagpatuloy po lamang ito ng inyong abang lingkod. Ito po ay ginaganap sa Congressman Nereo Joaquin Sports Complex sa Phase 2 Pacita Complex I, San Pedro, Laguna.
Nag-iimbita po tayo ng mga kumpanya at ahensiya ng ating pamahalaan katulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Social Security System (SSS) at Bureau of Internal Revenue (BIR) upang maging kaagapay ng proyekto. Noong nakaraang Job Fair , Enero 31, 2009 ay nakapagtala tayo ng 1,070 aplikante, 49 ang lumahok na kumpanya, 130 ang kumuha ng NBI clearance, 41 ang kumuha ng Police clearance, 160 ang kumuha ng T.I.N. (BIR), 138 ang kumuha ng SSS Number, 760 ang kumuha ng Community Tax Certificate at 46 ang kumuha ng Barangay clearance.
Ang pag-uulat na ito ay ilan lamang sa mga pangunahing proyekto ng ating barangay sa pangunguna ng inyong abang lingkod bilang tagapamuno ng komiteng ito. Mapalad tayo sapagkat ang ating Punong Barangay ay hindi nagsasawa sa pagsuporta sa mga proyektong katulad nito na malaki ang maitutulong hindi lamang sa ating mga kabarangay kundi na rin sa mamamayan ng ating bayan at karatig pook nito.
Sino ang Karapat Dapat na Maging Susunod na Pangulo ng Pilipinas?
PATALASTAS
Sa ating mga Kabarangay na hindi nakapag parehistro noong nakaraang schedule dito sa Pacita at sa ibang lugar na nasasakupan ng Barangay San Vicente, kayo po ay maaari pang makapag parehistro, mag-tungo lamang sa Tanggapan ng COMELEC tuwing Lunes at Biyernes sa Munisipyo ng San Pedro, Laguna. Para sa karagdagang kaalaman at katanungan, tumawag sa Telepono Bilang 847-0094.
Opisyal na Pahayagang Pambarangay ng San Vicente
EDITORIAL BOARD
Kgg. Norvic D. Solidum
Chairman
Kgg. Artemio C. Maramo
Cesar L. Villamaria
Hector M. Gadian
Editorial Consultants
EDITORIAL STAFF
Danilo C. Berciles
Editor-In-Chief
Manolito T. Hirang
Desk Editor/Writer
Kgg. Cesar O. Caisip Kgg. Lolito R. Marquez
Kgg. Leodigario A. Pilipiña Kgg. Kim A. Arellano
Kgg. Andres T. Reyes, III Kgg. Alfredo C. Flores
Kgg. Resty P. Hernandez, Jr. Kgg. Ace C. Caravana
Marlene A. Biscocho Jerry R. Chan
Marcilito R. Magtalas Ofelia L. Regaspi
Contributor
Junar Francisco
Circulation
Cris Idos Jojo Antonio
Photographers
Michael F. Contreras
Layout/Graphic Artist